Aklan News
“NO VAXX, NO RIDE” SA MGA TRAYSIKEL SA KALIBO, POSIBLENG IPATUPAD


Posibleng magpatupad ng “no vaccination, no ride” policy ang mga pumapasadang lehitimong traysikel sa bayan ng Kalibo.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Johny Damian, presidente ng Kalibo Tricycle Operators and Drivers Association Inc. (FOKTODAI) sinabi nito na inaasahan na nila ang implementasyon ng nasabing polisiya sa bayan ng Kalibo at sa buong lalawigan ng Aklan.
Sa katunayan aniya ay nagsagawa na sila ng pagpupulong upang mapag-usapan at mapaghandaan ang masabing polisiya na deriktiba ng Department of Transportation (DOTr).
Dagdag pa ni Damian na noon pa niya hinimok ang lahat ng mga traysikel drayber sa bayan ng Kalibo na magpabakuna na laban sa COVID-19 upang maging handa sa ganitong sitwasyon.
Apela pa ng FOKTODAI president, libre ang COVID-19 vaccine kaya’t walang puwedeng idahilan ang mga drayber.
Pahayag pa nito na kung hindi magpabakuna ang mga traysikel drayber ay paniguradong maaapektuhan ang kanilang kabuhayan at mahihirapan ang kanilang pamilya.
Mas mabuti na aniya ang sumunod sa mga ipinapalabas na mandato ng pamahalaan dahil ito ay para sa kabutihan ng nakararami.
Ang nasabing “No Vaccination, No Ride” policy ng DOTr ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na limitahan anhg galaw ng mga taong hindi pa nababakunahan laban sa COVID-19.