Aklan News
NO2BIDA BILL: AKLAN GOVERNENT, TUTOL SA PAGTAYO NG BORACAY ISLAND DEVELOPMENT AUTHORITY
Nagpahayag ng mariing pagtutol ang Provincial Government of Aklan (PG-Aklan) sa isinusulong na panukala sa kongreso may kinalaman sa pagtayo ng Boracay Island Development Authority (BIDA) na isa sa mga nais bigyang prayoridad ni Presidente Rodrigo Duterte.
Sa position paper ng PG-Aklan, nakapaloob ang pagpapasalamat nila sa mga ginagawang hakbang ng gobyerno para mas mapaganda at mapangalagaan ang isla na tinaguriang “world-famous resort island.”
Pero iginiit ng mga ito na malalabag ng BIDA bill ang Local Government Code at mawawalan ng local autonomy ang Local Government Unit (LGU) ng Malay kapag naipasa ang BIDA bill.
Iminungkahi din ng PG-Aklan kay Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng “extension” o mas palawigin pa ng hanggang limang (5) taon ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na itinayo ng gobyerno nasyonal para pamahalaan ang nagpapatuloy na rehabilitasyon sa isla.
Base sa nilagdaang Executive Order (EO) 115 ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte, magtatapos hanggang Mayo 2021 ang BIATF kaya nais nito na gawing prayoridad ang BIDA bill na siyang papalit sa BIATF kung saan binanggit nya ito at hiniling sa kongreso noong nakaraang State of the Nation Address.