Connect with us

Aklan News

OFW na ama, nagreklamo at sinisi ang guro dahil hindi nakasama ang anak sa honor list

Published

on

Dumulog sa Kalibo Municipal Police Station ang isang guro matapos siyang sisihin ng isang OFW na ama ng kanyang estudyante dahil hindi nakasama ang anak nito sa honor list.
Batay sa salaysay ng guro, dakong alas-12 ng tanghali nitong Abril 14 habang siya ay nasa trabaho sa isang paaralan sa bayan ng Kalibo, nakatanggap siya ng tawag sa Facebook Messenger.
Pagkasagot niya sa tawag, nagpakilalang ama ng estudyante ang nasa kabilang linya at sinabi nitong nagtatrabaho siya sa ibang bansa.
Agad nitong inusisa kung bakit hindi nakapasok sa honor list ang kanyang anak.
Ipinaliwanag ng guro na nakakuha lamang ng 89.00% ang nasabing mag-aaral, kulang sa itinakdang 90.00% na average para makasama sa listahan ng mga honor students.
Gayunman, hindi umano pinakinggan ng ama ang paliwanag ng guro.
Sa halip, inakusahan siya ng kawalan ng konsiderasyon sa kanyang anak, na umano’y nagdulot pa ng depresyon sa bata.
Dagdag pa ng ama, kung kinakailangan daw ay handa siyang magbigay ng anumang bagay sa guro.
Hindi na lamang ito pinatulan ng guro at kaagad na tinapos ang tawag.
Dahil sa insidente, nakaramdam ng matinding takot at pangamba ang guro. | Ulat ni Jisrel Nervar