Aklan News
OFW NA SUSUNDUIN SANA NG PAMILYA, NABANGGGA NG MOTORSIKLONG MINAMANEHO NG LASING NA TEACHER
Altavas – Bali ang umano ang kanang paa ng isang bagong dating na OFW (Overseas Filipino Worker) matapos aksidenteng mabangga ng motorsiklong minamaneho ng lasing na guro, alas 3:00 kaninang madaling araw sa Cabangila, Altavas.
Nakilala ang biktimang si Armenia Dela Vega, 41 anyos ng Camanci, Batan, habang nakilala naman ang guro na si Bryan Mejiah, public school teacher at residente ng Linayasan, Altavas.
Base sa imbestigasyon ng Altavas PNP, nakatayo noon sa gilid ng kalsada ang biktima nang mabangga ng humaharurot na motorsiklo, na papunta naman noon sa direksyon ng Cabangila, galing Poblacion.
Sa lakas ng pagkakabangga, kapwa tumumba sa kalsada ang dalawa, rason din ng mga tinamong gasgas sa katawan ni Mejiah.
Kaagad namang isinugod sa Altavas Hospital ang dalawa, subalit inilipat sa pribadong ospital ang OFW, habang nasa kustodiya ngayon ng Altavas PNP ang teacher na naobserbahang nasa impluwensiya pa ng alak.
Sinubukan naman ng Radyo Todo na kunan siya ng pahayag sa insidente, subalit tumanggi itong magsalita.