Aklan News
OMBUDSMAN SA LGU MALAY: IPAALAM KAY CABRERA ANG NAGING AKSYON UKOL SA APELA NITO PARA SA MGA BORACAY WORKERS
Inutusan ng Office of the Ombudsman (Visayas) ang LGU Malay na ipaalam kay Jonathan Cabrera ang naging aksyon nila kaugnay sa apela nito na suspendihin ang pagpataw ng P2500 na multa sa renewal ng health certificates ng mga manggagawa sa Boracay.
Sa sulat na ipinadala ni Acting Director Eduardo B. Kangleon kay Malay Mayor Frolibar Bautista noong December 16, 2020, sinabi nito na direktang ipaalam kay Cabrera ang naging aksyon nito sa kanyang apela at bigyan din ng kopya ang Ombudsman.
Matatandaan na noong February 25, 2020, umapela si Cabrera kay Mayor Bautista na suspendihin na muna ang pagsingil ng penalidad sa napasong health card na nagpapahirap sa mga manggawa na lubhang naapektuhan ng pagsasara ng Boracay noong rehabilitasyon at hindi ito naaayon sa Ordinansa.
Bilang pagsunod sa utos ng ombudsman na natanggap nila noong Abril 15, sinulatan ni Mayor Baustista si Cabrera nitong Abril 23, at ipinapaalam dito na sinuspende na nila ang pagpataw ng multa na P2,500 sa renewal ng health certificate noon pang March 19, 2020 sa pamamagitan ng Memorandum order No. 2020-46.
Napag-alaman na mayroong halos 314 na manggagawa ang hindi nakapag-renew ng kanilang 2019 health certificates batay sa status report ni Sanitation Inpection VI Baby Lyn Frondoza ng Malay Municipal Health Office Environmental Health and Sanitation Unit.
Ayon pa sa report, 239 ang bilang ng mga nabigyan ng citation tickets sa mga establisyemento at indibidwal na patuloy na nagtatrabaho kahit na expired na ang kanilang health certificates na required sa Sanitation Code of the Philippines.
Si Cabrera ay dating konsehal ng Malay at ngayon ay General Manager ng Todo Media kung saan humingi sa kanya ng tulong ang mga apektadong empleyado ng Boracay.