Aklan News
ONLINE SABONG SA BAYAN NG MAKATO, PINA-IIMBESTIGAHAN; NAG-O-OPERATE KAHIT WALANG PERMIT?
Pina-iimbestigahan ni Poblacion Punong Barangay at ABC President Bobby Cylde Legaspi ang operasyon ng Online Sabong ng Island Ventures Gaming Corporation sa bayan ng Makato.
Ayon kay kapitan Legaspi, napag-alaman niyang nag-o-operate kahit walang kaukulang permit o dokumento ang nasabing online sabong kaya’t nagdesisyon siyang sumulat sa kanilang bise-alkalde bilang presiding officer upang paimbestigahan ito at bigyan ng kaukulang aksyon.
Aniya, hindi rin nila alam kung sino ang nagmamay-ari ng nasabing online betting station na matatagpuan sa likod ng Makato Public Market.
Bilang punong barangay aniya at ABC President sa bayan ng Makato ay pangunahing pinagtutuunan niya ng pansin ay ang kaligtasan ng kanilang mamamayan ngayong pandemya sa banta ng COVID-19.
Dagdag pa nito na nag-aalala siya dahil maaring hindi nasusunod ang ipinapatupad na minimum health protocols. Ikinababahala din nito na maaring masanay ang mga kabataan na sumali sa ganitong uri ng aktibidad.
Saad pa ng opisyal na mayroong sabungan sa bayan ng Makato pero hindi naman nag-o-operate kahit na ito’y kumpleto sa papeles samantalang ang naturang online betting station ay pinapayagan kahit walang permit.
Kaugnay nito, hinihiling nilang itigil muna ang operasyon ng nasabing online sabong habang hindi pa nako-kumpleto ng nagmamay-ari nito ang mga kailangan dokumento para sa kanilang operasyon.