Aklan News
“Open muffler”, overspeeding motorcycle gustong solusyonan ng City Council
Nais ngayong masolusyonan ng City Council ng Roxas City ang mga motorsiklong gumagamit ng “open muffler” at nag-u-overspeeding.
Sa kanyang privilege speech sa konseho, pinuna ni Konsehal Midel Ocampo ang mga problemang ito. Ilan sa mga residente ang nagpaabot na ng reklamo sa kanya. Disturbo umano ito sa pagtulog nila.
Ito rin aniya ang ipinarating sa kanya ni PLtCol. Ricardo Jomuad, hepe ng Roxas City PNP, sa pagpupulong ng advisory council.
Nais ng konsehal na amyendahan ang traffic ordinance para paigtingin ang batas laban sa mga pasaway na mga motorista.
Tugon ni Konsehal Garry Potato, may umiiral na na batas kaugnay rito. Dapat aniya ay tawagin ang pansin ng mga enforcers at taasan pa ang penalidad sa mga lalabag.
Subalit ayon kay Vice Mayor Erwin Sicad marahil ang implementasyon ng batas ay nangangailangan muna ng instrumento para masukat ang ingay ng isang tambutso.
Para naman kina Konsehal Jericho Celino at Konsehal Potato, ang bilang ng mga enforcers tuwing gabi ay dapat na isaalang-alang.
Hinakayat ni Konsehal Trina Ignacio ang Committee on Peace and Order na magpatawag ng pagpupulong kaugnay sa nasabing usapin.
Samantala, nais ring i-follow-up ni Konsehal Ocampo sa Mayor’s Office ang status ng ordinansa na nagpapahaba ng validity period ng prangkisa ng mga tricycle driver.