Connect with us

Aklan News

Operasyon ng mga E-trike sa Boracay, nagkakaproblema?

Published

on

Tinalakay kahapon sa regular na sesyon ng SB Malay ang di umano’y problema ng Boracay Land Transport Multi‐Purpose Cooperative (BLTMPC) sa operasyon ng mga e-trike sa Boracay.

Sa panayam ng Radyo Todo kay BLTMPC Chairman Joel Gelito, ipinahayag nito na maraming problema sa operasyon ng e-trike kaya noon palang ay hindi niya ito inendorso. “Damo-damo gid yang problema sa E-trike” aniya.

Pinasinungalingan nito ang pahayag ng ilang drivers na dala ng mga e-trike suppliers kahapon na nagpahayag na maayos naman ang operasyon ng mga environment friendly na sasakyan.

Iginiit ni Gelito na hindi tinupad ng mga e-trike companies ang apat na mga charging stations na dapat i-comply sa Yapak, Balabag, Hagdan at Manocmanoc.

Problema din umano ang kawalan ng suplay ng kuryente kapag brown out dahil hindi lahat ng e-trike ay may generator at kung mayroon man ay maliit lang.

Maayos pa aniya sa ngayon ang operasyon ng mga e-trike, “Subong nga adlaw hindi problema ang e-trike kasi wala pang bisita.” Pero malaking problema ito kapag muli ng tumaas ang bilang ng mga turista.

Dalawang linggo na ang nakakaraan matapos ang implementasyon ng total phase out ng mga degasolinang traysikel sa Boracay noong October 1.