Aklan News
P1.5 milyon, tinatayang halaga ng pinsala na iniwan ng sunog sa Boracay Island
Tinatayang nasa P1.5 milyon ang halaga ng pinsala sa ari-arian ang iniwan ng sunog na sumiklab sa barangay Balabag sa isla ng Boracay gabi nitong Sabado.
Sa panayam ng Radyo Todo kay FO1 Keanu Lim ng BFP- Boracay isang dalawang palapag na residential boarding house ang nasunog.
Umabot ang apoy sa katabi pa nitong 3-storey boarding house na parehong pagmamay-ari ni Helen Señeres.
Nadamay din sa sunog ang 3-wheeled e-van ng isang courier company sa Boracay.
Masuwerteng hindi na umabot ang apoy sa katabi nitong hotel dahil sa fire wall ng nasabing boarding house.
Maliban sa mga bumbero, tumulong na rin sa pag-apula ng apoy ang mga residente sa lugar.
Ayon pa kay FO1 Lim, maaari mabawasan o madagdagan pa ang naitalang danyos ng sunog depende sa isusumiteng affidavit of loss ng may-ari.
Sa ngayon ay nagsasagawa na ng malalimang imbestigasyon ang BFP Boracay hinggil sa totoong pinagmulan ng sunog.