Connect with us

Aklan News

P5000 na pambayad sana sa boarding house at allowance ng 2 estudyante, nakamkam ng nagpanggap na kaanak at kakilala ng mga biktima

Published

on

Nakamkam ng isang lalaking miyembro ng LGBTQIA+ community ang kabuuang P5000 pesos na pambayad sana sa boarding house at pang-allowance ng dalawang estudyante matapos itong magpanggap na kaanak at kakilala ng mga biktima.

Ayon sa mga biktima, dakong alas-7 umano ng umaga nitong Lunes ng sumulpot ito sa kanilang boarding house at sinabing naghahanap siya ng matutuluyan.

Hinarap naman ito at kinausap ng 19-anyos na babaeng estudyante at nagpakilala, nagulat nalang umano ang nasabing estudyante ng sinabi nito na sila ay magka-apelyido.

Inutusan din ng suspek ang estudyante na tawagan ang kaniyang nanay para makapag-usap sila at sinunod naman ito ng dalaga kung saan ay napag-usapan umano nila ang iba pang kapamilya.

Nakuha agad ng suspek ang tiwala ng biktima kaya nakapag-pahiram siya ng P3500 na sinasabing pandagdag raw sa pambili ng gamot ng kaniyang nanay at ibabalik din sa hapon.

Hindi pa nakuntento ang suspek at bumalik pa dakong alas-12 ng tanghali at nanghiram din sa isa pang estudyanteng boarder ng P1500 na pinaniwala rin nitong kakilala niya ang kanyang tito.

Umalis ulit ang suspek at hindi na nakabalik. Hinintay pa ng dalawang biktima ang suspek hanggang kahapon para ito ay mabayad pero bigo ang dalawa.

Doon na nila natuklasan na hindi nila ito tunay na kapamilya at kakilala kaya minabuti ng dalawa na ipa-record ito sa Kalibo Pnp para maimbestigahan.