Aklan News
Pag-aalala ng ilang residente sa kinaroroonan ng quarantine facility ng mga repatriated OFWs, pinawi ni Gov. Miraflores
Pinawi ni Aklan Gov. Florencio Miraflores ang agam-agam ng mga aklanon hinggil sa pag-uwi ng mga Aklanon Overseas Filipino Workers (OFW) sa probinsya noong Abril 29 kung saan kasalukuyang naka quarantine ngayon sa Marzon hotel.
Ito ay matapos magpaabot ng pag aalala ang ilang residente sa lugar kung saan matatagpuan ang ginawang quarantine facility.
Sa ginawang virtual presser kanina, ipinahayag ng gobernador na may mandato sa lahat ng local government unit ang Inter agency Task Force o IATF na dapat tanggapin ang lahat ng mga repatriated OFWs basta dadaan ang mga ito sa estriktong medical protocol.
Ayon sa gobernador, pag dating umano ng mga ito sa metro Manila o sa Cebu isinasailalim agad sila sa 14-day quarantine, ganon din sa rapid test.
Pagdating umano nila dito sa Aklan, isasailalim uli sila sa panibagong 14-day quarantine sa quarantine facility at kukunan ng swab specimen para sa RT-PCR confirmatory test bago pauwiin sa kani-kanilang bayan pag negatibo ang resulta.
Maaalala na may 37 mga Aklanon seafarers ang dumating sa Aklan noong Myerkules, na kasalukuyang naka quarantine sa Marzon hotel.
Binabantayan umano ang mga ito ng mga pulis para masiguro na walang makakalabas sa facility habang hinintay Pa ang resulta ng test at maiwasan ang posibleng hawaan o pagkalat ng coronavirus.