Aklan News
PAGKAMATAY NG MAGSASAKA SA MAKATO, POSIBLENG MAY KINALAMAN SA PAGPASLANG KAY KAGAWAD ‘PANYONG’ NG TIBIAWAN
Isa sa tinitingnang motibo sa kaso ng pagpatay kay Ariston Ortiz ay ang away magpamilya na nag-ugat sa pagpaslang kay Brgy. Kagawad Silverio Puod o mas kilala bilang ‘Panyong’ sa Tibiawan, Makato.
Ayon kay Makato OIC PLT. Jose Iturralde, lima ang suspek na pinaghahanap ng pulisya may kinalaman sa pagpatay kay Ariston at tatlo dito ay ang mga anak ni Victor Masula na kilalang malapit sa pinaslang na konsehal.
Una nang naibalita noong Abril ang sinapit na kamatayan ni konsehal Panyong na kung saan ang suspek ay si Richard Ortiz na kapatid ni Ariston.
Maaari umanong naghiganti ang pamilya Masula at konektado ang mga pangyayari sa pagkamatay ng konsehal.
Gayunpaman, hindi pa rin masasabi kung may koneksyon ang dalawang kaso dahil wala pa silang hinahawakang konretong ebidensya.
Samantala, bago nangyari ang pagpaslang kay Ariston, nabatid na tinutukan pa ng baril ni Victor Masula ang isa pang kapatid ng mga Ortiz na si Allan.
Kasalukuyang nakakulong sa Aklan Rehabilitation Center si Victor Masula habang pinaghahanap pa ng pulisya ang kanyang mga anak.