Connect with us

Aklan News

Pagpapatayo ng multi-billion Hydropower Dam Project sa Malay, ‘di aprub sa mga lokal na opisyal

Published

on

Umalma ang mga lokal na opisyal ng Malay sa planong pagtatayo ng San Miguel Corporation ng 26-billion peso hydropower dam project sa Brgy. Nabaoy, Malay.

Nagpasa ang Sangguniang Bayan Malay ng Resolution No. 124 o “Resolution Strongly Opposing The Proposed Hydropower Dam Project in Barangay Nabaoy, Municipality of Malay, Province of Aklan” na kontra sa multi-billion hydropower project.

Inaprubahan naman ito ni Malay Mayor Frolibar Bautista dahil ito aniya ang sentimyento ng mga residente.

Hindi kasi dumaan sa konsultasyon ang naturang proyekto kaya hindi malinaw sa mga residente kung ano ang mangyayari sa lugar na pagtatayuan nito lalo na ang magiging epekto nito sa kapaligiran ani Bautista sa panayam ng Radyo Todo.

Nakasaad din sa resolusyon na hindi alam ng mga taga Nabaoy at Malaynon kung importante ba talaga ang nabanggit na proyekto para isakripisyo ang kapaligiran.

Hindi umano maikakaila ng LGU Malay ang katakot-takot na katotohanan na hindi na mapipigilan ng kahit na anuman ang paghihiganti ng naistorbong balanse ng kapaligiran.

Ang mga ilog ng Brgy. Nabaoy ay parte ng Natural Park ng Northwest Panay Peninsula na nagsusuplay ng tubig sa mga magsasaka at Malay Water District sa mainland Malay.

Samantala, ang hydropower facility naman ay isa sa mga inisyatibo ng SMC Global Power Holdings Corp na naglalayong punan ang ilan sa mga renewable energy requirement ng Visayas grid lalo na sa kasagsagan ng peak hours.