Aklan News
PAGTAAS NG SINGIL SA KURYENTE, IPINALIWANAG NG AKELCO
Tumaas ang singil sa kuryente ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) para sa buwan ng Marso at Abril na ikinagulat ng maraming konsumidor.
Paliwanag ni AKELCO General Manager Engr. Alexis Regalado, ito ay dahil ginamit nila ang estimated billing sa pagdedetermina ng nakonsumong kuryente.
Ayon kay Regalado, naglabas ng advisory noong March 26 ang Energy Regulatory Commission (ERC) sa mga electric cooperatives na nagsasabing maaari nilang gamitin ang estimated billing sa pagsingil sa kuryente para na rin sa kaligtasan ng mga meter readers dahil ito ay panahon na ng Enhanced Community Quarantine.
Watch Video HERE👉 INTERVIEW
Ayon pa kay Regalado, mula ng sumailalim sa community quarantine ang Aklan ay nagpatupad sila ng work adjustments at napagkasunduan nila na huwag na munang magsagawa ng actual reading sa mga kuntador.
Aprubado rin aniya ng Akelco Board of Directors ang paggamit nila ng estimated billing.
Para makuha ang estimated billing, kinuha nila ang average bill ng mga kunsumidor base sa kanilang naging nakonsumo sa mga buwan ng September, October, November at December noong nakaraang taon.
Hindi umano nila sinali sa averaging ang mga buwan ng January to March dahil maraming nawalan ng kuryente sa pagsalanta ng bagyong Ursula noong araw ng Pasko.
Idinagdag pa ni Engr. Regalado na sa ngayon ay nagsasagawa na sila ng actual reading sa mga kuntador at maitatama na nila ang mga nagamit na kuryente ng mga konsumidor.
Nanawagan naman ang Akelco na ang mga wala namang malaking deperensya sa billing ay maari ng magbayad.
Nagbigay sila ng 30 days grace period at hahatiin pa ito sa 4 na buwan.