Aklan News
PAGTATAG NG BORACAY ISLAND COUNCIL SINUSULONG SA KAMARA
Kalibo, Aklan – Isinusulong ngayon sa kamara ang pagtatag ng Boracay Island Council na hahawak at mamamahala sa pangunahing destinasyon ng turista sa bansa.
Layunin ng House Bill 4175 na isinulong ni Rep. Teodorico Haresco Jr. ng ikalawang distrito ng Aklan na pamahalaan ang operasyon, panatilihin ang mga kagamitan, aktibidad at imprastraktura sa isla.
“Boracay indeed is reforming and with the continuous rehabilitation, lasting changes must be implemented. The Boracay Island Council will take over the management, development, regulation, protection and maintenance of the island,” ani Haresco.
Batay sa panukala, ang Boracay Island Council ay ililikha sa ilalim ng opisina ng pangulo at bubuuin ng kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG), Department of Justice (DOJ) , Department of Tourism (DOT), Department of Environment and Natural Resources (DENR) at iba pa.
Isinangguni ang naturang House Bill sa Committee on Natural Resources nito lamang nakaraang linggo.
Magugunitang binuksan muli Oktubre nitong nakaraang taon ang isla pagkatapos ng anim na buwan na Boracay Closure.