Aklan News
Paliligo sa isla ng Boracay, posibleng pahintulutan sa June 1
Kung si Atty. Selwyn Ibarreta, Chairman ng Technical Working Group ang tatanungin, payag na siyang buksan sa mga lokal ang isla ng Boracay sakaling sumailalim na ang Aklan sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) sa June 1.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Ibarreta, sinabi niya na pinayagan na ng Department of Tourism (DOT) ang pagligo sa mga baybayin at naglabas na rin ng guidelines para sa safety at health protocols na dapat sundin sa pagbukas ng mga hotels, resorts at restaurants.
Nagsagawa na umano sila ng sunod-sunod na pagpupulong ukol sa kanilang preparasyon sa MGCQ kasama ang lahat ng mayors sa Aklan.
Napag-usapan umano nila kung ano ang gagawing protocols pagdating sa Jetty Port at pagpasok sa isla ng Boracay.
Aminado siya na hindi pa handa ang mga hotels at restaurants sa pag-accomodate ng mga turista at kailangan muna nilang mag-training kaya posibleng limitahin muna sa mga lokal ng Malay ang paliligo sa isla.
Sa lunes magsasagawa na umano ng dry run sa entry at exit ng isla.
Kung sakali mang matapos ito at mabuksan na ang isla ay maghihintay pa ng ulit ng 15 days para mabuksan ang isla sa lahat ng Aklanon na gusto nang maligo sa dagat.