Aklan News
PAMANTAYAN PARA SA REFUND NG MGA KINANSELANG PLAKA NG SASAKYAN, HINIHINTAY PA NG LTO-AKLAN
Hinihintay pa ng Land Transportation Office o LTO-Aklan ang pamantayan sa pag-refund ng mga nakanselang plaka ng mga sasakyan sa buong bansa.
Ayon kay LTO-AKlan chief Marlon Velez nasa Bureau of the Treasury ang pondo na ibinayad ng mga kliyente at gagawan pa lamang ng resolusyon kung paano ito ire-refund sa kanila.
Ito ang sagot ni Velez kasunod sa reklamong natanggap ng Radyo Todo mula sa mga motor vehicle owners na hanggang ngayon ay hindi pa rin nila natatanggap ang nasabing refund mula sa umano’y nakansela nilang bagong plaka.
Pagpapaliwanag ng hepe, noong 2015 ay mayroong proposal na babaguhin ang mga plaka ng sasakyan mula sa dating kulay green na may itim na alpha-numeric character ay ginawa nilang puti na may itim na alpha-numeric character.
Dahil dito ay nagbayad ang mga motor vehicle owner ng P450 pesos para sa replacement ng plaka ngunit hindi ito natuloy.
Pinag-iisipan pa umano nila kung ito’y ire-refund sa mga kliyente o ibabawas nalang sa renewal ng kanilang rehistro.
Saad pa ni Velez na mahirap mag-refund ng pera kaya ito nalang ang kanilang nakikitang maaaring maging option subalit hanggang ngayon ay wala pa silang natatanggap na mandato mula sa Central Office.
Samantala, nilinaw ng hepe na wala ng pag-asang dumating pa ang nasabing mga plaka dahil ito’y sa panahon pa ng panunungkulan ni dating pangulong Benigno “Noynoy” Aqunio.