Connect with us

Aklan News

Pamilya ng graduating student, handang magsampa ng kaso laban sa lasing na nambato

Published

on

Handang magsampa ng kaso ang pamilya Plaza laban sa lasing na nambato sa sinasakyang van ng graduating student na si Mary Jane Plaza sa bahagi ng Libertad, Nabas nitong Lunes ng gabi.

Ayon kay Christine Plaza, ate ng biktima na sa ngayon ay inaayos na ng kanilang tito ang pagsasampa ng kaso laban sa suspek na si Julius Peliado, 22 anyos ng Libertad, Nabas.

“Hindi po pwedeng hindi niya pagbayaran yung ginawa nya sa kapatid ko,” saad ni Christine.

Si Peliado ay naaresto ng Nabas PNP sa mismong pamamahay nito kahapon ng tanghali.

Samantala, nagpapasalamat naman si Christine sa lahat ng mga nagpa-abot ng tulong pinansiyal para sa agarang operasyon ng kanyang kapatid.

Aniya pa, naging matagumpay ang operasyong isinagawa kay Mary Jane kung saan stable na ang kalagayan nito ngunit kailangan pa rin nitong manatili sa ICU para ma-obserbahan.

“Okay naman po siya ngayon after ng successful brain surgery niya kahapon sabi ng doctor stable na po siyan. Kailangan niya lang mag stay sa ICU for observation pa po,” kwento ni Christine sa Radyo Todo.

“Nagising na po sya kaninang umaga at nakakausap na rin po siya at nadidilat nya na rin yung mga mata nya paunti-unti po,” dagdag pa nito.