Aklan News
Pampasadang tricycle nabangga ng kapwa tricycle, isang driver nagtamo ng sugat sa paa
Nagtamo ng sugat sa paa ang isang driver ng pampasadang tricycle matapos itong mabangga ng kapwa tricycle kaninang alas-7:56 ng umaga, Nobyembre 3.
Kinilala ang drayber ng bumanggang tricycle na si Jhovanny Lumajin, 49-anyos residente ng Sto. Niño Village Pob. Kalibo at ang isa pang drayber na si Jhonny Apolinario, 51-anyos na taga Oyotorong, Kalibo na may dalawang pasahero.
Base sa imbestigasyon ng Kalibo PNP, habang binabaybay ni Apolinario ang Pastrana St. papuntang direksyon ng Roxas Avenue ay aksidente itong nabangga ng tricycle na minamaneho ni Lumajin na mula naman sa N. Roldan St. papuntang Oyotorong.
Dahil sa nasabing aksidente, nagtamo ng sugat sa paa si Apolinario na agad namang binigyan ng paunang lunas ng MDRRMO Kalibo.
Wala namang naitalang nasugatan sa mga pasahero.
Samantala, dinala ang dalawang sangkot na traysikel kasama ang mga drayber nito sa Kalibo Municipal Police Station at nagkasundo naman ang mga ito.