Aklan News
PASAWAY NA RESORT SA BORACAY, GINIBA NG BIATF
Hindi na nagdalawang-isip pa ang Boracay Inter-Agency Task Force (BIATF) na gibain ang bahagi ng isang resort na nagtayo ng istruktura sa non-buildable zone sa Boracay.
Kinumpirma ni BIATF manager Natividad Bernardino na nagsagawa nga sila ng demolisyon sa Manocmanoc partikular sa Monaco Suites de Boracay nitong Martes.
Salaysay ni Bernardino, ayaw pa silang papasukin sa gate kahapon kaya kinailangan pa nilang makiraan sa kapitbahay ng resort para maipagpatuloy ang demolisyon.
Saad niya, “I was there, dala namin ang demolition orders, dala naming lahat ng papel and they were truly notified na, ilang beses na.”
Ilang beses na aniya silang nagbigay ng kautusan sa resort na kusang i-demolish ang istruktura ngunit binalewala lamang ito ng may-ari.
“This has been going on for 3 years now, binigyan na namin ng sapat na palugit. We were already in talks with the owners na pumayag na sila na they were going to do demolition by themselves noong August pa, August ano na ngayon?”
Sampung commercial establishments na lang umano ang ang natitirang non-compliant sa listahan nila at karamihan sa mga ito ay nagsasagawa na ng demolisyon maliban sa Monaco.
“Yung listahan natin na natitira nalang na non-compliance 10 nalang na commercial estabs, karamihan doon sa 10 na yon, on going na yjg demolition, ibig sabihin they are trying to comply with the regulation. Itong Monaco hindi gumagalaw,” aniya.
Target ng BIATF na maabot ang 100% compliance bago matapos ang termino ni Pangulong Rodrigo Duterte sa June 2022. RT/MAS