Connect with us

Aklan News

PBBM personal na namahagi ng bigas sa 1000 4Ps beneficiaries sa Aklan

Published

on

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pamamahagi ng rice subsidy sa 1,000 4P’s beneficiaries sa Kalibo, Aklan ngayong Biyernes, Oktubre 6.

Ang bawat benepisaryo ay nakatanggap ng 25 kilo ng bigas na kaparte ng mga smuggled rice na nasamsam ng Bureau of Customs (BOC) at kalaunan ay ibinigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Wika ng Pangulo, sinisikap ng pamahalaan na pababain ang presyo ng bigas at iba pang mga produktong agricultural para magkaroon ng kakayahan ang mga mamamayan na bumili nito anumang oras.

Hinikayat rin ng Chief Executive ang publiko na makiisa sa pagbabantay laban sa mga smugglers, hoarders at sa mga mapagsamantalang sindikato.

“Tulungan po ninyo ang ating mga ahensya sa pagmatyag upang mahuli at mapatawan ang angkop na parusa ang mga sumasabotahe sa sektor ng agrikultura at sa ating ekonomiya at nagpapahirap sa taong bayan,” aniya.

May ilan na rin umanong nahuli at kinasuhan kaugnay ng ilegal na pag-angkat ng libu-libong sako ng bigas na inilaan nila para ipamahagi sa mga 4Ps beneficiaries.

Nauna rito, namahagi rin ng bigas ang Pangulo sa mga benepisaryo ng 4P’s sa Capiz at Antique.