Aklan News
PCG AKLAN: HINDI KAMI NAGKULANG
Malay, Aklan – Iginiit ni Lt. Commander Marlowe Acevedo ng PCG-Aklan, na ginagawa nila ang kanilang trabaho at hindi sila nagkulang sa nangyaring pagkalunod ng dragon boat sa Boracay kung saan 7 ang namatay.
Ayon kay Acevedo, wala silang impormasyon na natanggap ukol sa ginagawang pagsasanay ng Boracay Dragon Force bago ang insidente dahilan na hindi sila nabigyan ng advance guidance at assessment.
“Hindi po tayo na inform na magcoconduct sila ng training, siguro kung nalaman po natin iyon magkakaroon tayo ng advance guidance sa kanila na magsuot ng vest at i-asses ng mabuti yung sea condition,” ayon kay Acevedo sa panayam ng Radyo Todo.
Nilinaw ni Acevedo na dapat ay nagsusuot ng life jacket ang mga biktima kapag nagsasanay dahil makokonsiderang open deck ang bangka nila.
Napag alaman na ikalawang araw na ang training ng nga ito noong mangyari ang trahedya at inamin ng Coastguard na hindi nila ito namonitor.
Naniniwala si Acevedo na maiiwasan sana ang trahedya kung napagbigay-alam sa kanila ang nasabing pagsasanay.
Dagdag pa nito, “Marami pa po tayong pwedeng magawa kung na inform po tayo”.
Sinabi ni Acevedo na nagsagawa sila ngayon ng Marine Casualty Investigation oara alamin kung ano ba talaga ang ikinamatay ng mga ito.
“Aalamin pa namin kung pagkalunod ba o pagkahampas sa mga bato ang ikinamatay nila at para makagawa kami ng mga rekomendasyon para hindi na ito maulit pa”, dagdag ni Lt. Acevedo.
Sa inisyal na imbestigasyon, lumalabas na napasukan ng tubig ang bangka dahil sa malaking alon na tumama sa kanilang bandang 300 meters sa Logutan beach.
Lahat di umano ng mga paddlers ay walang suot na life vest at isa sa kanila ang di marunong lumangoy.
Nakaligtas ang 14 sa kanila dahil nakalangoy ang mga ito sa tabing dagat at nagtulungan upang makaligtas subalit pito sa kanila ang nasawi.