Aklan News
PD Tolentino handang magpa-relieve sa pwesto kasunod ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa senate hearing ng Degamo slay case
Handang magpa-relieve sa kanyang pwesto si Aklan Police Provincial Director Col. Crisaleo Tolentino kasunod ng pagkakadawit ng kanyang pangalan sa isinasagawang pagdinig ng Senado sa Degamo slay case.
Ayon kay PD Tolentino, hindi problema sa kanya ang re-assignment at hinihintay niya na lamang ang magiging order ng mga nakakataas na opisyal.
Sa katunayan aniya, noon niya pa gustong magpalipat subalit may sinusunod na replacement ang PNP.
Aniya pa, kung aalis siya ng Aklan, gusto niyang magkaroon ng graceful exit at hindi iyong may bahid ng kwento.
“Matagal na talaga akong gustong umalis ng Aklan pero maganda sana, na umalis ako yun namang graceful exit. Hindi naman yung may bahid ng kwento,” ani Tolentino.
Saad pa ni Tolentino, apektado na rin ang kanyang pamilya dahil sa kinasasangkutang kontrobersiya.
“Kung tutuusin, mas magandang hindi ako PD para maka-leave ako, maka-uwi ng weekend,” dagdag pa nito.
Samantala, nananatili pa ring matatag si Tolentino sa kabila ng kanyang mga kinakaharap na problema dahil sa mga taong patuloy pa rin na naniniwala sa kanya.
“Matatag naman talaga ako pero tao lang din ako. May panahon talaga na hindi mo na maintindihan lalong-lalo na kapag ang kausap mo ay walang tiwala sayo. But, ang nakapagbibigay pa sa akin ng lakas, yun bang may tao pang naniniwala sayo,” wika nito.