Aklan News
PHO-AKLAN: PAGLULUNSAD NG “RESBAKUNA KIDS”, NAGING MATAGUMPAY
NAGING matagumpay ang unang araw ng paglulunsad ng “Resbakuna Kids” program sa NVC Gymnasium, Capitol Site, Kalibo, Aklan.
Ayon kay J-Lorenz Dionisio ng Provincial Health Office (PHO)-Aklan umaabot sa 366 na mga batang edad 5-11 ang nabakunahan sa unang araw ng “Resbakuna Kids” mula sa 500 target population.
Pahayag pa ni Dionisio na ang nasabing programa ay magpapatuloy hanggang sa araw ng Biyernes, Pebrero 18.
Samantala sinabi nito na ‘to be posted’ pa ang schedule para sa susunod na Linggo.
Huwag aniyang mag-alala ang mga magulang ng mga batang edad 5-11 na hindi pa rin nakakatanggap ng text message para sa kanilang schedule dahil nagpapatuloy pa ang Resbakuna Kids program.
Saad pa nito na kakasimula pa lamang ng nasabing programa at online registration pa lamang ang kanilang tinatanggap.
Ito ay upang masiguro na maging maayos ang vaccination roll out para sa mga 5-11 years old na gayundin na maiwasan ang pagdami ng mga tao sa vaccination area.
Maaari makapag-rehistro sa link na tinyurl.com/AklanResbakunaKids ang mga magulang o guardian ng mga batang nais mabakunahan ng COVID-19 vaccine.
Paalala ni Dionisio na mahalaga din na tama ang contact number na ilalagay sa kanilang online registration.
Binigyan-diin naman nito sa mga nakapagparehistro na, na huwag nang umulit sa kanilang registration upang maiwasan ang pagdoble ng kanilang entries.
Sapat na aniya ang isang beses lang upang hindi makatanggap ng maraming text messages mula sa kanilang registration system.
Samantala, para sa mga nakapagpa-rehistro na at hindi nakapunta sa kanilang mga scheduled date, maaari nilang magamit ulit ang mensaheng natanggap nila mula sa PHO-Aklan kapag sila’y nais nang magpabakuna.