Aklan News
PIRMA NI VICE MAYOR CAWALING, DINOKTOR PARA GAMITIN SA RESOLUSYON
Tinuturing ni Malay Vice Mayor Niño Cawaling na napakalaking insulto sa kanya bilang presiding officer ang pamemeke ng kanyang pirma para gamitin sa isang resolusyon.
Sa panayam ng Radyo Todo kay Cawaling, ipinahayag nito ang galit nang mabatid mula sa kanyang sekretarya na may nagpalabas ng resolusyon na nag-iendorso sa isang pribadong kompanya na mag-operate ng mga water sports sa Boracay.
Nagtaka si Cawaling kung bakit nabigyan ng ‘special permit’ ang Aqua sports Incorporated gayong wala pang pirma ang orihinal na kopya ng resolusyon.
Iginiit nito na ginamit ang kanyang electronic signature ng walang pahintulot.
Dagdag pa ng bise alkalde, “They are disrespecting the municipality of Malay and they are also disrespecting the people of Malay.”
Iniimbestigahan na ngayon ng SB Secretary Office at Licensing Office sa pamamagitan ng committee hearing ng SB Committee on Good Governance ang pangyayari.
Desidido rin ito na magsampa ng kaso laban sa mga responsable sa nangyari.