Aklan News
PLANONG PAGBILI NG LGU-KALIBO NG 1-MILLION PESOS TARPAULIN PRINTING MACHINE NILINAW NG MEEDO NA HINDI GAGAMITIN PARA SA ELEKSYON


Mariing pinabulaanan ni Municipal Economic Enterprise Development Office (MEEDO) head Ms. Mary Gay Q. Joel na politika ang nasa likod ng planong pagbili ng Local Government Unit o LGU-Kalibo ng tarpaulin printing machine na nagkakahalaga ng 1-million pesos.
Sa panayam ng Radyo Todo kay MEEDO head Joel, binigyan-diin nito na lubusang naapektuhan sila ng pandemya at dahil dito ay nag-isip siya ng paraan kung paano magkaroon ng kita ang kanilang opisina kung saan nakitaan niya ng potensyal ang pagbili ng nasabing machine.
Sa katunayan aniya ang tanging rason kung bakit nakaka-ahon pa rin ang MEEDO ay dahil sa kita nitong nakukuha mula sa Ati-atihan Country Inn.
“what’s keeping MEEDO head…our heads above water daya nga pandemic hay ro aton nga income nga na-derive sa aton nga Ati-atihan Country Inn”, pahayag ni Joel.
Saad pa ng opisyal, “ I have to think outside the box”. Iniisip niya umano kung ano ang mangyayari sa kanilang tanggapan pagkatapos ng pandemya.
Paglilinaw nito na noong buwan pa ng Abril niya naisipang bumili ng tarpaulin printing machine dahil nakita niya ang pangangailangan para sa kanilang tanggapan at sa buong LGU.
Ayon pa kay Joel na ang mismong LGU-Kalibo ay maituturing na ‘potential market’ para sa naturang tarpaulin printing.
Inihayag din nito gumastos na ang LGU-Kalibo mula Enero hanggang Setyembre 2021 ng halos P507,000 para lamang sa tarpaulin printing.
“…would you believe it or not, from January to September 2021, LGU-Kalibo spent roughly P507, 000 pesos for tarpaulin printing alone”, saad nito.
Dagdag pa ng opisyal bakit pa sila gagastos sa labas kung maaari naman nilang gawin ito sa opisina ng MEEDO.
Kaugnay nito, idiniin niya na walang sinumang politiko ang nag-udyok sa kanya sa naturang plano salungat sa mga alegasyong lumalabas na ito ay gagamitin sa darating na eleksyon.
“For me it is only for MEEDO and not for anything else. Owa ta it politiko nga nagsugo kara nga gamiton ako para magpa-purchase it tarpaulin machine for their own benefit, and I am not that type.”
Wala rin aniyang malisya ito para sa kaniya dahil ang tanging nasa isip lamang niya ay ang magkaroon sila ng kita sa pamamagitan ng ibang paraan.
Matatandaang naging mainit ang isyu sa naturang tarpaulin printing machine kung saan tutol dito ang Sangguniang Bayan ng Kalibo.