Aklan News
POACHERS AT ILLEGAL HUNTERS, NASAKOTE SA NORTHWEST PANAY PENINSULA NATURAL PARK
Naghain ng reklamo sa Nabas PNP ang mga forest rangers ng Northwest Panay Peninsula Natural Park (NPPNP), kasama ang mga forest rangers ng non-governmental organization na Philippine Initiative for Environmental Conservation (PhilinCon) laban sa tatlong illegal hunters na kanilang nasakote sa kagubatang sakop ng protected area ng NPPNP.
Ayon sa salaysay ng mga forest rangers, dakong 1:33 ng hapon ng Abril 2, 2021, habang nagsasagawa ng kanilang regular na pagpa-patrolya ay nahuli nilang nangangaso sa protected area ng NPPNP, sina Benny Daet Añiano, 57-taong gulang; Benny Marcelino Añiano Jr., 24-taong gulang; at Joel Villar Absalon, 34-taong gulang. Ang tatlo ay pawang mga residente ng Sitio Butong, Brgy. Laserna, Nabas, Aklan.
Nakumpiska rin mula sa tatlo ang dalawang airgun rifles, isang homemade 12 gauge firearm, at isang 12 gauge ammo na siya umanong gamit sa pangangaso.
Kasalukuyan nang nai-turn-over sa Nabas PNP ang mga nakumpiskang baril, pati na rin ang tatlong illegal hunters para sa karampatang disposisyon.