Aklan News
POOK BARANGAY CAPTAIN AT KALIBO ABC PRESIDENT RONALD MARTE PINABULAANAN ANG ALEGASYON NG NAPOCACIA
Pinabulaanan ni Pook Barangay Captain at ABC President Ronald Marte na siya ang tagapagsalita at negosyador ng Aklan provincial government at iba pang ahensiya may kaugnayan sa isyu ng Kalibo International Airport Development Project.
Ito ay salungat sa alegasyon ng NAPOCACIA na grupo ng mga may-ari ng lupa at tenant na apektado ng nasabing proyekto.
Ayon kay kapitan Marte, ang tanging alam niya lamang ay ang mga nangyayari sa kanyang nasasakupang barangay at hindi ang buong problema at isyu sa Kalibo International Airport expansion.
Aniya matagal ng isyu ang usaping ito mula pa noong taon 2015 at marami ng mga pag-uusap at negosasyon ang isinagawa ang mga kinauukulang ahensiya ng gobyerno kasama ang NAPOCACIA.
Sa katunayan ayon kay Marte ay may mga land owner at tenant na ang nakatanggap ng bayad mula sa gobyerno matapos na maapektuhan ang kanilang lupain ng nasabing proyekto ng gobyerno.
Samantala ang iba naman ay nakatanggap na ng kalahati na bayad para sa kanilang lupain dahil sa mga kakulangan pang mga dokumento.
Dagdag pa ng opisyal na maaaring ang mga nagrereklamo ay mayroong pang pending na expropriation case sa korte.
Nagtataka naman si Marte kung bakit siya ang sinisi ng mga apektadong land owners sa mga kakulangan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno.
Pinayuhan naman ni Marte si Mr. German Baltazar na mas makabubuting puntahan niya na lamang ang mga concerned agencies upang malaman niya mismo kung ano ang estado ng kanilang idinadaing at kinakaharap na mga problema.