Connect with us

Aklan News

POSTE NG KURYENTE, ‘INARARO’ NG VAN

Published

on

Photo | Ace Taborda

Makato – Napalaya na kaninang umaga sa kustodiya ng Makato PNP ang driver ng van na aksidenteng bumangga sa poste mag-aalas 3:00 kahapon ng hapon sa Highway ng Poblacio, Makato.

Kinilala ng Makato PNP ang driver ng van na si Charlie Ogaña, 54 anyos ng Pitpitan, Bulakan, Bulacan.

Subalit ayon sa Makato PNP, hinihintay na lamang nila ang pormal na kasunduan ng magkabilang panig na sangkot sa nangyaring insidente kahapon, lalo na ang mga kompanyang may-ari ng mga poste at signages na nasira sa nasabing insidente.

Nabatid sa report ng Makato PNP na nangyari ang insidente habang papunta sana sa Malay ang van na minamaneho ni Ogaña galing sa Numancia.

Subalit nakatulog umano ang driver na nasa impluwensya pala ng alak at nawalan ng kontrol sa pagmamaneho.

Kasunod nito, bumangga ang van sa poste ng AKELCO, ZTE DITO, Makato Integrated School, Aklan Cable, PANTELCO, at tube post ng signage ng DPWH.

Kaugnay nito, wasak ang harapang bahagi ng van, at nasira ang 4 na metro ng AKELCO, maliban pa sa mga nasirang poste.

Mapalad namang minor injury lamang ang tinamo ng driver at kasama nitong reserved driver na si Novemio Bernardo, 51 anyos ng San Jose Tagaytay City, Cavite na kapwa niya nangangamoy alak din.

Samantala, inabot naman ng gabi ang pagtanggal sa nasabing van bago nadala sa kostodiya ng Makato PNP Station.