Aklan News
Power rate ng AKELCO tumaas ng 12.45%, mga consumers umaaray
Umaaray ngayon ang maraming consumers dahil bukod sa mataas na presyo ng mga bilihin, dumagdag rin ang pagtaas ng presyo ng kuryente sa buwan ng Abril.
Inanunsyo ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) na tumaas ng 12.45% ang kanilang power rate kumpara noong nakaraang buwan.
Ito ay naiuugnay sa tumataas na presyo ng generating power at market price ng enerhiya ayon sa AKELCO.
Nakitaan umano ng Wholesale Electricity Spot Market (WESM) ng 61% na pagtaas sa presyo habang nahihirapan matugunan ang pangangailangan ng Panay grid.
Ayon pa sa AKELCO, malaking kawalan rin sa pinagkukunan ng enerhiya ang pag-shutdown ng 135 MW coal power plant sa isla kaya umaasa ngayon ang Panay grid sa mas mahal na pinagkukunan nito tulad ng mga diesel plants lalo na tuwing gabi na tumataas ang demand ng kuryente.
Maging ang pagbaba ng halaga ng piso at pagtaas ng presyo ng coal sa pandaigdigang merkado ay isa rin sa mga dahilan ng pagsirit ng presyo.
Kaugnay nito, hinikayat ng AKELCO ang mga consumers na magtipid sa kuryente ngayong summer season.