Connect with us

Aklan News

Pres. Duterte, bibisita sa Boracay para patunayan na ligtas ang isla sa COVID-19

Published

on

Photo| Boracay Informer

Handa nang bumisita sa isla ng Boracay si Pangulong Rodrigo Duterte sa ika-12 ng Marso para hikayatin ang mga lokal na turista na dumayo sa isla dahil sa pagbaba ng tourist arrivals na dulot ng travel ban.

Ito ang ipinahayag ni Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat sa isang press conference na ginanap nitong Miyerkules.

Sinabi pa ni Puyat na ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakabisita ang pangulo sa isla magmula nang buksan ito sa publiko matapos ang anim na buwan na Boracay closure.

“On March 12, pupunta si Presidente Duterte sa Boracay for the first time since it opened para to show that it is safe,” saad ni Romulo-Puyat.

Titingnan rin aniya ni Duterte ang mga pagbabagong nangyari sa isla, aalamin rin nito ang mga problema at   susuriin ang mga medical facilities.

Ayon pa sa DOT, ramdam na ngayon sa buong bansa ang epekto sa turismo ng coronavirus disease.

Dahil dito, kanya-kanyang diskarte ang mga hotels at airline company na nagbigay na ng mga discount para sa mga turista.

Maliban sa Boracay, posibleng bumisita rin ang pangulo sa Cebu at Bohol.

Sa ngayon ay wala pang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Boracay Island at walang dapat na ikabahala ang mga turista at residente ayon sa LGU Malay.