Connect with us

Aklan News

PSA-Aklan, nagbabala laban sa mga nagpapakilalang taga PSA na naghahanap ng ePhilID para ma-scan kapalit ng P60

Published

on

NAGBABALA ang Philippine Statistics Authority Aklan (PSA-Aklan) laban sa mga grupong nagpapakilalang empleyado ng PSA at nag-iikot-ikot sa mga kabahayan para mang-scan ng ePhilID  kapalit ng P60.

Sa panayam ng Radyo Todo, sinabi ni PSA-Aklan Head Engr. Antonet Catubuan, Chief Statistical Specialist, nakaabot na rin sa kanya ang nasabing isyu at pinaimbestigahan na niya ito.

Itinanggi niya na mga taga PSA ang gumagawa ng mga ito dahil ang kanilang aktibidad ngayon ay distribusyon lang ng ePhilID.

“Ang mga registration officer ay with ID. Hindi sila nagpipicture at naniningil. Galing po sa amin ang ID , bakit po kami maniningil,” saad ni Engr. Catubuan.

Ipinag-utos na niya rin umano sa mga registration officer na ipaliwanag ng mabuti sa mga tao na huwag basta-basta maniniwala sa mga taong nanghihingi ng kopya ng kanilang ePhlID dahil nakapaloob dito ang kanilang mga personal data.

“If ever na mag-distribute kayo ng ePhilID, i-ano nyo sa mga taong tatanggap na huwag kayong maniwala o huwag kayong papayag na picturan ang inyong ePhilID kung nandun na sa inyo, dahil pag ni-scan mo yan, talagang makikita ang demographical traces ng isang tao don,” lahad niya.

Dagdag pa niya, “Ang amin pong trabaho is to distribute. Pini-print kasi namin ang ePhilID and then i-distribute namin sa kung sino ba ang may-ari ng ePhilID na yon.”

Kaugnay nito, sinabi niya na hanggang ngayong araw na lang, December 30 ang distribusyon ng ePhilID dito sa bayan ng Kalibo.

Kabuuang 174,842 na ang kanilang mga naipamahaging ePhilID sa buong Aklan sa taong 2022.

Wala pa aniyang abiso tungkol sa pagpapatuloy ng distribusyon sa susunod na taon dahil ibabalik muna nila ang pagtanggap ng registration para masiguro na lahat ng mga kwalipikadong Pilipino ay makapag-parehistro./MAS