Connect with us

Aklan News

PSA Aklan nagbabala sa publiko vs nagpapanggap na kanilang empleyado para mang-scan ng national ID upang malaman kung peke o hindi

Published

on

BINALAAN ng Philippine Statistics Authority (PSA) Aklan ang publiko laban sa isang indibidwal na nagpapakilalang taga-PSA Central Office at nag-iikot-ikot sa mga barangay sa lalawigan ng Aklan para mang-scan ng mga national ID.

Paglilinaw ni Engr. Antonnette Catubuan, Chief Statistical Specialist ng PSA-Aklan, wala silang aktibidad na kagaya nito.

Kasunod ito ng isang insidente sa barangay Toledo, Nabas na nakarating sa opisina ni Engr. Catubuan.

Aniya, matapos niya malaman ang tungkol dito ay kaagad siyang nagtungo sa Nabas upang mag-imbestiga.

Napag-alaman ni Catubuan na may isang babae ang gumagala sa naturang lugar na sakay na isang motorsiklo at nagpapakilalang taga-PSA na sinusuri umano ang mga national ID kung ito ay peke o hindi sa pamamagitan ng pag-scan.

Kapag na-iscan na ito ng nasabing babae ay sinasabi niya umanong hindi ito peke at kinukuhaan ng litrato ang mismong national at may-ari nito.

Inaabutan rin ang mga biktima ng dalawandaang piso bilang bayad sa kanilang abala.

Kaugnay nito, kinausap ni Engr. Catubuan ang mga nabiktima na ipa-record ang insidente sa police station upang masampahan ng kaukulang kaso ang suspek.

“Please po wag kayong mag-entertain sa mga taong nag-iikot sa inyong  bahay-bahay para mag-scan ng inyong national ID. Meron po kami ngayong enumerators na nag-iikot pero yung survey po namin is 2022 census of Agriculture and Fisheries. Yun po ay ini-interview ang household kung sino ang agriculture  operators, fisheries operators. Wala po kaming sina-scan na ID. Lahat po ng enumerator namin may ID. So please aware po tayo. Magsumbong po kayo sa pulis if ever may nagpunta sa inyo,” paalala ni Catubuan sa publiko.