Connect with us

Aklan News

PUBLIKO, WALANG DAPAT IKABAHALA SA BALAK NA CREMATORIUM SA NUMANCIA – PROPONENT

Published

on

Makikita sa larawan ang lugar na balak pagtayuan ng crematorium sa Brgy. Badio, Numancia.

Tiniyak ni Rodrigo Coquia Jr. ng Justrod Crematorium na walang dapat na ikabahala ang publiko sa kanilang balak na pagtayo ng crematorium sa Barangay Badio, Numancia.

Sa panayam ng Radyo Todo, sinabi ni Coquia na makakatulong ang crematorium na itatayo nila hindi lang sa nabanggit na bayan kundi sa buong Aklan.

“Itong pasilidad na ito ay makakatulong sa bayan ng Numancia, hindi lang sa Numancia kundi sa buong bayan ng Aklan,” sambit nito.

Salaysay ni Coquia, naisip niya na magtayo rin ng crematorium sa Aklan dahil iisa lang ang ganitong pasilidad sa Panay na makikita sa Iloilo.

Kung babalikan raw nitong mga nakaraang buwan ay nasira pa ang makina nito kaya nahirapan ang Aklan at mga karatig probinsya sa paghanap ng malilibingan ng mga namatay sa COVID-19.

Ayon pa rito, siisguruhin nila na makukumpleto nila ang mga kailangan dokumento gaya ng permit at iba pa bago magtayo ng
pasilidad, “I will make sure na all documents or permit necessary, gagawin natin yon bago tayo makapag-umpisa.”

Mayroon rin aniya silang ganitong pasilidad sa Pangasinan, Isabela, Pasig, Malabon, Davao at iba pang bahagi ng bansa at wala naman silang narinig na reklamo mula sa mga residente ng mga nabanggit na lugar kaugnay sa operasyon ng kanilang pasilidad.

Ipinaliwanag niya na may 100-150 metro naman ang layo nito sa mga kabahayan at pumasa na sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang kanilang makina.

Wala rin aniyang dapat problemahin sa usok nito dahil ang amoy ay parang “nagsusunog lang sila ng kahoy” at aabot lang ang ito ng hanggang 50 metro.

Umiitim lang ang usok na nagmumula rito kung ang cadaver ay may kasamang iba pang mga gamit gaya ng unan dahil hindi na nila ito pwede pang buksan matapos idisinfect mula sa DOH at deretso na ito sa chamber.

“The only reason na uusok yan ng medyo maitim ay kung ang cadaver mula sa DOH ay hindi na nila pwedeng buksan,” paliwanag niya.

Base naman aniya sa kanilang karanasan sa ibang lugar na pinagtayuan ng crematorium ay wala naman silang nagging problema o nabalitaan na nagkaroon g respiratory o skin disease dahil dito.

Pero sakaling mangyari ito ay handa naman raw silang tumulong.

Bukas rin aniya sila sa public hearing kung kinakailangan para maipaliwnag sa publiko ang mga advantage at disadvantage nito.

Balak rin nila na magsagawa ng profiling sa mga nakatira sa lugar para makita kung nakakaapekto ito sa komunidad.

Bilang pananapos, nagpaalala si Coquia sa publiko na: “Sa mga kababayan natin sa barangay Badio, huwag po kayong mag-alala at huwag ho kayong matakot kasi hindi naman to nakakahawa sa kalusugan natin. In coordination with the local RHU gagawan ho natin ng profiling para Makita ho natin kung talagang nakakaapekto siya.”