Aklan News
Pulis at anak ni dating Aklan PPO Provincial Director Perlas, suspek sa pamamaril sa Boracay
Isang miyembro ng PNP at anak ng dating provincial director ang itinuturong suspek na bumaril-patay kay Benjie Quiatchon, 24 anyos na commissioner nitong Nobyembre a-16 sa isla ng Boracay.
Sa eksklusibong panayam ng Radyo Todo kay PLt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay PNP kinilala nito ang mga suspek na sina PSSgt. Lloyd Raymundo, isang aktibong pulis na naka-assign sa Caluya Municipal Police Station ng Antique Police Provincial Office at si Mark Ramir Perlas, anak ni dating Aklan PPO Provincial Director Col. Ramir Perlas.
Ayon pa kay De Dios, batay sa kanilang isinagawang pagberipika kay Raymundo, inirereklamo din umano ito dahil tuwing naka-inom ay nagpapaputok ng baril.
“Ang suspek natin ay si PSSgt. Lloyd Raymundo y Arcival, naka-assign to sa Caluya Municipal Police Station ng Antique Police Provincial Office. Active police po ito at pina-verify ko din ito, marami ding reklamo ito dito na kapag na ito ay medyo naka-inom noong araw, nagpapaputok ito ng baril. Yung isang suspek natin na kasama nitong pulis na ‘to, si Mark Ramir Perlas y Gelito. Anak po ito ni Col. Ramir Perlas, yung dating provincial director ng Aklan,” paglalahad ni De Dios.
Nagpapatuloy sa ngayon ang kanilang isinasagawang hot-pursuit operation upang mahuli na ang mga suspek.
Saad pa ni De Dios na kaagad silang nagset-up ng trackers team mula sa station level hanggang provincial level matapos nilang maberipika ang identity ng mga ito.
“In hiding sila ngayon… atlarge sila at ongoing na po yung follow-up operation natin as early as yesterday. Yung ma-verify namin na sila talaga yung identity natin nagset-up na tayo ng tracker team dito sa station level at sa provincial level natin,” ani De Dios.
“We are considering itong mga suspek na ‘to na armed and dangerous,” dagdag pa ng hepe.
Inihayag pa ni De Dios na bago ang insidente ng pamamaril ay nagkaroon muna ng altercation o argumento sa gitna ng suspek at ng biktima batay sa mga kuha ng CCTV footages sa mga establisyemento sa lugar.
“Kung titingnan natin medyo nakakahiya, ang involved kasi ay pulis. At saka ang mga ganitong klaseng tao dapat hindi na pinagsusuot ng uniporme…dapat tinatanggalan ito,” pahayag pa nito.
Samantala, ipinasiguro ni PLt. Col. De Dios sa pamilya ng namatay na biktima na bibigyan nito ng hustisya ang pagkamatay ni Quiatchon.
“Pero yun naman yung assurance namin, we will give justice dun sa pamilya. Again, condolences po at ang commitment po ng Malay PNP and the whole Regional Office 6 is we will give justice sa pamilya po ng namatayan.
Lumabas sa imbestigasyon ng Malay PNP na bago ang insidente ng pamamaril ay nag-iinuman ang mga ito hanggang sa nagkaroon ng mainitang diskusyon.
Pahayag pa ng hepe ng Malay na unang sinuntok ni Perlas ang biktimang si Quiatchon hanggang sa bumunot na ng baril ang pulis na si Reymundo.
Nakatakbo pa umano ang biktima palabas subalit hinabol ito ng mga suspek kung saan nagpaputok at binaril siya ng nabanggit na pulis.
“Nag-iinuman ito hanggang sa nagkaroon ng altercation. Unang sumuntok itong si Mark Ramir Perlas… sinuntok niya yung namatay. Yun nga nagkaroon ng altercation doon at bumunot ng baril itong pulis… itong si PSSgt. Lloyd Reymundo at nakatakbo naman itong ating biktima sa labas kaya lang hinabol ng isa at initially nagpaputok kaagad doon… binaril. Tumakbo itong biktima natin.”
“Talagang mahaba yung tinakbo nila, almost 150 hanggang 250 meters yung layo ng habulan nila. Pagdating pa doon sa mismo kung saan natapos yung pagbaril d’yan fini-nish pa talaga nila, binaril malapitan. Bukod pa dun sa hinila nila palabas sa convenient store kung saan tumakbo ‘yung tao, hinila nila palabas, pinagsusuntok, pinagtatadyakan saka binaril,” pahayag pa ni De Dios.
Batay naman sa CCTV footage, iisang baril lamang ang ginamit sa insidente kung saan pagmamay-ari ito ng pulis na si Reymundo.