Connect with us

Aklan News

PUNONG BARANGAY NG ODIONG ALTAVAS PINABULAANANG GINAGAWANG ‘PERSONAL VEHICLE’ ANG KANILANG RESCUE VEHICLE

Published

on

Photo| Genra Benigno Benedicto

Mariing itinatanggi ni punong barangay Arnoldo Cortes Palomo na ginagamit nitong “personal vehicle” ang rescue vehicle ng Brgy. Odiong sa bayan ng Altavas.

Ito ang depensang pahayag ni Palomo sa pakikipag-ugnayan ng Radyo Todo kasunod ng viral post ni Genra Benidecto kung saan makikita na ang naturang rescue vehicle ay may karga na saku-sakong semento.

Ayon kay Kap. Palomo na hindi sila personal na nagkita at nagka-usap ng nagrereklamong ginang.

Nabigla umano siya ng makita sa social media ang post nito.

Nilinaw rin ni kapitan na para sa ginagawang fishing port ang mga ito dahilan kung bakit nakuhaan ng litrato ang kanilang rescue vehicle na may kargang mga saku-sakong semento .

Dagdag pa nito na naka-‘parking’ umano sa kanilang bahay ang behikulo dahil sa nagpapatuloy na rehabilitasyon ng kanilang barangay hall.

Samantala, aminado naman si Barangay Kagawad Josel Maximo na lumapit at humingi sa kaniya ng tulong si Benidecto.

Inutusan umano niya ito na puntahan si Kap. Palomo at ipagbigay-alam ang kanilang kailangan.

Dagdag pa ni Maximo na wala silang ‘official’ na drayber kaya sinabihan niya si Benidecto na puntahan ang kanilang punong barangay upang makadesisyon kung sino ang puwedeng rumesponde dito.

Hindi rin lubos maisip ni konsehal na ganito ang mangyayari sa pag-aakalang sinunod ng pamilya Benidecto ang kaniyang mungkahi.

Sa kabilang banda, inihayag ni Benidecto na sa kawalan ng pag-asang matulungan ng kanilang barangay ay naghanap na lamang sila ng ibang paraan upang madala sa ospital ang kanyang pamangking manganganak.

Iginiit pa nito na umasa siya na tutulungan ni konsehal Maximo na makontak ang kanilang kapitan ngunit ipinipilit lamang nito sa kanya na sila nalang ang mismong magpunta sa bahay nito.

Dagdag pa ng ginang na gustuhin man niya ay imposibleng mangyari ang sinabi ng kanilang konsehal dahil aabutin ng halos kalahating oras kung lalakarin papunta sa bahay ni Kap. Palomo.