Aklan News
Puting van na nangunguha ng bata sa Aklan, ‘di totoo – APPO
Kalibo, Aklan – Iginiit ni Aklan Police Provincial Office (APPO) information officer PSSGT Mary Jane Vega na walang katotohanan ang kumakalat na balita sa social media hinggil sa umano’y puting van na umiikot sa Aklan upang manguha ng mga kabataan.
Matatandaaan na may batang nagsumbong kasama ang kanyang ina sa Numancia PNP na tinangka umano siyang dukutin ngunit negatibo at wala di umanong basehan ang sinasabing report.
Ito ay matapos nilang i-review ang mga CCTV footage sa lugar at walang ni isang van ang nakitang tumigil sa bata sa harap ng isang establisimento.
Diin ni Vega, na wala ring nareport na missing o nawawala sa probinsya.
Naniniwala ang kapulisan na marahil nag-ugat lamang ito sa mga usap-usapan at pananakot ng mga ilan sa kanilang mga kabataan ukol sa puting van.
Umaapela rin ang APPO sa publiko lalo na sa mga magulang na bantayan ng mabuti ang kanilang mga anak, huwag basta maniwala sa mga hindi beripikadong ulat at maging mapanuri sa mga binabahaging balita sa social media.