Aklan News
QR CODE GUSTONG IPATANGGAL BILANG REQUIREMENTS SA MGA PAPASOK SA LALAWIGAN NG AKLAN


Gustong ipatanggal ni Board member Immanuel Sodusta ang QR Code bilang requirement sa mga papasok sa lalawigan ng Aklan na hindi naman sinang-ayunan ni Board member Soviet Russia Dela Cruz.
Ayon kay Board member Sodusta, ang pagpasok lamang sa Aklan ang may maraming requirements na hinihingi kumpara sa ibang lugar.
Aniya, siya mismo ay nakaranas kung gaano kahigpit ang pagpasok sa ating lalawigan dahil sa dami ng mga requirements na kailangang i-comply.
Dahil dito ay magsasagawa ang SP Aklan ng legislative inquiry upang mapag-usapan ng maayos ang nasabing proposisyon kaugnay sa pagtanggal ng QR Code.
Magugunitang nitong nakaraang mga araw ay inulan ng batikos sa social media ang mga opisyal ng Aklan Provincial Government dahil sa mabagal na pagdating ng mga QR Code ng mga papuntang Aklan.
Samantala, hindi naman sang-ayon si SP member Dela Cruz na tuluyang tanggalin ang nasabing QR Code sa mga requirement dahil dito nakasalalay ang seguridad ng mga Aklanon laban sa nakamamatay na COVID-19 virus.
Ang QR Code ang nagsisilbi rin na online contact tracing at health declaration card ng Aklan province sa lahat ng pumapasok at lumalabas sa Boracay island.
Ayon sa kanya, suportado niya ang nasabing inquiry kung ang pag-uusapan ay para sa ika-aayos ng QR Code system ng probinsiya.
Dagdag pa ni SP Dela Cruz na handa silang magbigay ng suporta kung kailangan pa ng karagdagang pondo para sa dagdag na manpower, facility, at mas mabilis na sistema.
Samantala napapanahon daw itong pag-usapan dahil sa ngayon ay pinagde-debatehan din sa Sangguniang Panlalawigan ang 2022 budget ng probinsiya.
Ang nasabing legislative inquiry ay nakatakdang gawin sa susunod na Linggo.