Aklan News
RANIE VICENTE, NAHULIHAN NA NAMAN NG BARIL SA CHECKPOINT
Malinao – Nahulihan na naman ng baril si Ranie Vicente alas 11:35 kagabi sa checkpoint ng Malinao PNP sa Poblacion, Malinao.
Ayon kay PLt.David Rentillo, Officer Incharge ng Malinao PNP, ilang beses pa umanong lumagpas sa kanila ang suspek na nakaangkas sa motorsiklong minamaneho ni Franklin Ningal, 33 anyos ng Bulabod, Malinao, subali’t nakorner parin sa di kalayuan ng mga kasama nilang pulis.
Kasunod nito, inutusan umano nila si Vicente na ipatong sa motorsiklo ang dala nitong bag, habang pinadistansya nila pati ang kasama niyang si Ningal.
Doon na umano nilapitan ng isa pang pulis ang paper bag, kung saan natuklasan ang laman nitong mga baril at bala.
Kaagad silang dinala sa presento at inimbentaryo ang mga narekober-1 caliber .38 Smith And Wesson na may 6 na bala; 1 calibre .45 baril na may 7 bala na may 1 chamber load; 29 pirasong bala ng 9mm na baril, at 5 pang bala ng baril na.45.
Nabatid na walang anumang dokumento ang mga baril, rason na inaresto ang dalawa at pansamantalang ikinostodiya sa Malinao PNP Station para sa karampatang disposisyon.
Samantala, tumanggi namang magbigay ng pahayag ang mga suspek sa insidente.
Magugunita namang naaresto nitong nakaraang buwan si Vicente sa Numancia dahil sa kasong paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulation Act.
Siya rin ang itinuturong suspek sa pagbaril-patay kay Nadynne Faith Medina sa Andagao nito ring nakaraang buwan.