Aklan News
RECORD-HIGH: Higit 16,000 foreigners, bumisita sa Boracay nitong Hulyo
SUMIPA sa 16, 730 ang bilang ng mga dayuhang turistang bumisita sa sikat na isla ng Boracay simula Hulyo 1 hanggang 31.
Ito ay maituturing na record-high simula nang magbukas ang Boracay sa mga turista ngayong taon batay sa datos ng Malay Municipal Tourism Office.
Malaki ang itinaas nito kung ikukumpara sa 6,873 na naitala noong Hunyo, 4,268 sa Mayo at 4,737 sa Abril.
Tumaas din ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na namasyal sa isla sa 6,107 kumpara sa 4,269 noong Hunyo.
Samantala sa domestic tourist naman, bumaba sa 160, 259 ang naitalang arrivals kung ikukumpara sa 182, 508 sa nakaraang buwan.
Tumaas ang foreign tourist arrivals kasunod ng pagbalik ng mga international flights sa Kalibo International Airport at pagpapagaan ng mga restrictions sa Covid-19.
Sa kasalukuyan, dalawang airline companies na ang may direct flight mula sa South Korea.