Aklan News
RESIDENTE NG BRGY.CUPANG, BANGA NAGHAIN NG PETISYON UPANG PATALSIKIN SA PWESTO ANG KANILANG KAPITAN
UMIIKOT ngayon sa Barangay Cupang sa bayan ng Banga ang isang petition letter na naglalayong patalsikin sa pwesto si punong barangay Riza Relojo.
Nag-ugat ang nasabing petisyon laban sa kanilang kapitan dahil sa isyung pagwaldas umano ni Relojo sa pondo ng kanilang barangay.
Sa panayam ng Radyo Todo kay barangay kagawad Emily Rentino, ikinuwento nito na nalaman lamang nila ang impormasyon hinggil sa anomaliyang ginagawa ng kanilang barangay kapitan noong Disyembre 28 ng nakaraang taon.
Dahil dito, minabuti nilang humingi ng bank statement sa accounting office ng LGU-Banga at doon nila nalaman na hindi lamang P320,000 pesos ang pera nawala sa pondo ng barangay kundi mahigit pa dito.
Nalaman din umano nila na may mahigit P939,000 pesos ang inilaan sa ilang mga proyekto pero walang implementasyon.
Aniya nitong Enero 4 sa kanilang barangay session ay inamin ni kapitan ang nasabing alegasyon dahil mayroon na silang hawak na dokumentong magpapatunay.
Saad pa umano ng kanilang kapitan, kaya nitong ibalik ang perang nawala sa pondo ng kanilang barangay.
Kaugnay nito, umaabot na sa 267 na registered voters ng barangay Cupang ang pumirma sa nasabing petition letter upang mapatalsik si punong barangay Relojo dahil sa alegasyong malversation of public funds at abuse of authority.
Napag-alaman na may kabuuang 500 registered voters ang barangay Cupang at karamihan sa mga residenteng pumirma sa petisyon ay ang mga taong nagluklok din kay Relojo sa pwesto.