Aklan News
RESULTA NG PUBLIC HEARING SA BAWAT BARANGAY HINGGIL SA TAPYAS-PASAHE SA TRAYSIKEL SA BAYAN NG KALIBO HINIHINTAY PA NG SANGGUNIANG BAYAN


Hinihintay pa ng Sangguniang Bayan ng Kalibo ang resulta ng public hearing na isinagawa ng bawat barangay sa bayan ng Kalibo hinggil sa tapyas-pasahe sa traysikel.
Ayon kay Sangguniang Bayan member Matt Aaron Guzman, sa nasabing resulta ng public hearing nakabase ang kanilang gagawing ordinansa.
Aniya, ang bawat barangay ang nakaka-alam kung ano ang tama at dapat na presyo ng pamasahe sa kanilang lugar.
Hindi rin pwedeng gumawa na lamang basta-basta ng fare rate ang Sangguniang Bayan na hindi naman applicable sa bawat barangay.
Dagdag pa ni Guzman na mahalagang makonsulta muna ang iba’t-ibang sector ng kanilang barangay ukol dito at kung ano ang kanilang mapagkasunduan.
Pahayag pa ng konsehal na sa kanyang isinagawang pagpupulong kasama ang mga presidente ng TODA sa bayan ng Kalibo ay pumapayag naman umano ang mga ito sa pagbaba ng singil sa pamasahe.
Samantala, wala pang reklamong natatanggap ang opisina ni SB member Guzman hinggil sa mga nananamantalang traysikel drayber na labis-labis kung maningil ng pasahe.
Kung mayroon umanong mga reklamo kaugnay sa mga abusadong drayber na naniningil ng sobra sa mga pasahero, kaagad itong i-report sa pulisya o sa tanggapan ng Municipal Transport And Traffic Management Unit ng LGU Kalibo.
Sa kabilang banda, suportado naman ni SB member Guzman ang pagkakaroon ng pansamantalang paradahan para sa mga mamimili ng Kalibo Public Market.
Kung kinakailangan aniya ng nararapat na ordinansa tungkol sa pagkakaroong ng parking area ay nakahanda naman ang kanyang komitiba para dito.