Connect with us

Aklan News

Revetment wall project sa Sitio Guba, Tigayon, sayang – Punong barangay

Published

on

“Sayang.”

Ito na lamang ang nasabi ni punong barangay Gil Morandante kaugnay sa wala pang isang taon na revetment wall project pero sira na sa Sitio Guba, Tigayon, Kalibo.

Ayon kay Morandante, sayang ang pera ng taumbayan lalo na’t nagkakahalaga ang nasabing proyekto ng mahigit P104-million pesos.

Noong Enero 11 aniya habang minomonitor nila ang lebel ng tubig sa Aklan River ay nakitaan nila ng bitak ang nasabing revetment wall kung saan pagbalik nila kinaumagahan ay tuluyan na itong nasira dahil sa lakas ng current ng tubig.

Dahil dito ay tinawagan kaagad ni Morandante ang ang sub-contractor ng proyekto na Santander Builders ay ipinagbigay-alam ang sitwasyon ng kanilang revetment wall.

Ang naging sagot naman aniya ng Santander Builders ay tawagan ang Department of Public Works and Highways (DPWH) Aklan kaya’t tinawagan din niya si Engr. Joey Ureta, head ng maintenance division.

Suhestiyon naman ni Engr. Ureta kay Morandante ay sulatan ang DPWH Region VI upang idulog ang kanilang problema.

Dahil dito, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Morandante at naghanap siya ng paraan upang matawagan ang project engineer ng DPWH Region VI.

Doon niya sinabi ang kanilang problema dahil nababahala sila sa panganib na dulot nito sa kanilang mga residente lalo na ang mga nakatira malapit dito kapag tuluyang nasira ang nasabing revetment wall.

Kaagad namang nagpadala ng personnel mula sa DPWH Aklan ang regional office at nagsagawa ng inspection sa naturang lugar.

Samantala, upang mas mabigyan ng kaukulang aksyon, binisita rin ni DPWH Region VI Project Engineer Atty. Jovie Delgado ang sinasabing revetment wall at ipinasiguro kay punong barangay Morandante na tutulong sila para maayos ito.