Aklan News
RIDER AT ANGKAS NA NAGPAHABOL SA MGA PULIS, SUGATAN MATAPOS SUMEMPLANG ANG MOTORSIKLO
Kalibo – Kapwa sugatan ang rider at kanyang angkas sa motorsiklo matapos sumemplang sa kalsada nang magpahabol sa mga pulis kagabi sa Oyotorong St., Poblacion, Kalibo.
Nakilala ang rider na si Michael Nazareta, 21 anyos ng Lezo, at angkas nitong taga Oyotorong na si Raffy Otis, 32 anyos.
Base sa report ng Kalibo PNP, rumuronda noon ang mga pulis at KAP (Kalibo Auxiliary Police) nang maispatan umano nila ang dalawa na nagmomotorsiklo, subalit walang suot na helmet.
Pinara umano sila ng mga pulis, ngunit nagpahaol pa sa halip na huminto, at minalas na sumemplang sa kalsada, rason ng kanilang sugat sa katawan. Kaagad namang dumating ang mga taga MDRRMO at binigyan sila ng pangunang lunas bago dinala sa ospital.
Pansamantalang ikinustodiya sa Kalibo PNP Station ang driver ng motor na si Nazareta para sa karampatang disposisyon, habang minarapat pauwiin ang kasama niyang si Otis.
Sinasabing kapwa nasa impluwensiya ng alak ang dalawa, at walang lisensya sa pagmamaneho si Nazareta na kaagad ding tinikitan dahil sa kanyang mga paglabag.