Connect with us

Aklan News

RIDER NG MOTORSIKLO, PATAY MATAPOS SUMALPOK SA ELF VAN; 3 PA SUGATAN

Published

on

Patay ang isang rider ng motorsiklo habang tatlo pa ang sugatan matapos sumalpok sa isang elf van alas 5:45 kaninang hapon sa highway ng Fulgencio, Balete.

Nakilala ang rider ng motorsiklo na si John Peter De Juan ng Sitio Hagimit, Feliciano, Balete, habang nakilala ang iba pang sugatan na sina Jonar David, 36 anyos ng Catabana, Madalag na siyang driver ng elf van, at mga kasama nito na sina Reymark Oloroso, 27 anyos ng Mataphaw, New Washington, at Charles Tanyala, 30 anyos ng Puis, Numancia.

Base sa imbestigasyon ng pulis, galing noon sa Sitio Cabcaban, Fulgencio, Balete papuntang Poblacion, Balete ang nagmomotorsiklong si De Juan.

Sinasabing hindi umano ito nagmenor ng takbo pagdating sa intersection kung kaya’t bumangga ito sa nasabing van.

Bagama’t nagkabanggaan na, lumalabas pa sa imbestigasyon na nag-maneobra pa umano pakaliwa ang van para umiwas sa motorsiklo, subali’t nabangga naman nito ang isang kotse na papuntang Balete.

Dahil sa nasabing insidente, tumilapon sa kalsada ang biktimang si De Juan at nagtamo ng malubhang pinsala sa katawan, habang nasugatan naman dahil sa mga tumalsik na bubog ang driver ng van at 2 nitong kasama.

Agad pa sanang isinugod sa ospital si De Juan, subali’t hindi na ito umabot ng buhay.

Kaugnay pa nito, pansamantalang nasa kustodiya ng Balete PNP ang driver ng van na si David para sa karampatang disposisyon, habang nabatid na nagpa confine sa pribadong ospital ang 2 nitong kasama sanhi ng mga sugat sa katawan.

Continue Reading