Aklan News
Roxas City hihingi ng pondo sa TIEZA para sa redevelopment ng Baybay People’s Park
Isinusulong ngayon ng Roxas City government ang pagsasaayos at pagpapaganda ng People’s Park ng Baybay Beach, isa sa mga ipinagmamalaking atraksiyon ng lungsod.
Kaugnay rito isang resolusyon ang inaprubahan ng Sangguniang Panglungsod na naglalayong ipakita sa Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA) ang redevelopment plan para mapondohan.
Inaakdaan ni Konsehal Trina Ignacio ang resolusyon kaugnay rito kasunod ng kahilingan ni Mayor Ronie Dadivas sa konseho.
Matatandaan na una nang ipinakita ng alkalde sa publiko sa kanyang official Facebook page ang itsura ng redevelopment plan ng People’s Park.
Prayoridad umano niya ito sa kanyang administrasyon.
“Gusto ko nga makilala kita indi lang sa manami nga seafoods kundi sa matahum naton nga tourist attractions,” pahayag ng alkalde sa kanyang Facebook post.
Batay sa mukha ng redevelopment plan, bahagi rito ang amphitheatre, floating stage at floating deck for water activities. Hango ang architectural design nito sa Ocno Archipelago sa Italy at Scarborough Beach sa Australia.
Meron din itong ramp-up viewing deck na mala-“capiz” ang itsura na ibinatay naman sa Qingdao International Sailing Centre sa China at Pearl Monument sa Qatar.
Sa regular session ng Roxas City Council, sinabi ni Konsehal Paul Baticados na kapag naaprubahan ng TIEZA ay maaaring wala nang gastusin ang pamahalaang panglungsod para sa naturang proyekto.