Connect with us

Aklan News

RTF6 – ELCAC SPOX: “MAGING MAPAGMASID, MAPAGMATYAG SA MGA GRUPONG SINASALIHAN SA RALLY”

Published

on

MAHIGPIT ang paalala ni Regional Task Force to End Local Communist Armed Conflict (RTF-ELCAC) Spokesperson Prosecutor Atty Flosemer “Chris” Gonzales sa mga kabataan na maging mapagmatyag at mapagmasid sa mga grupong sinasalihan sa pag-aalsa laban sa pamahalan.

Ang pahayag na ito ni Gonzales ay kasunod ng kaliwa’t-kanang mga kilos-protesta na karamihan ay nilalahukan ng mga kabataan dahil sa ma-anomalya aniyang resulta ng May 9 elections.

Paalala ni Gonzales sa mga kabataan na siguraduhing ang grupong sinasalihan ay hindi mga radikal na grupo.

Aniya, totoong hinihimok ang mga kabataan na paganahin ang kanilang kritikal na pag-iisip at maging mulat sa katotohanan pagdating sa usaping panlipunan subalit siguraduhin lamang na hindi ito hahantong sa radikalisasyon.

Ito ay dahil may ilang intelligence report na aniya silang natatanggap na isa sa mga pamamaraan na ginagawa ng mga radikal na grupo na may kaugnayan sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) sa pag-recuit ng mga kabataan ay nagsisimula sa kanilang pakikiisa sa mga kilos-protesta.

Saad pa ni Gonzales na hindi “arm struggle” ang dapat maging kinabukasan ng mga kabataan.

Samantala, nanawagan naman si Gonzales sa publiko na irespeto ang naging resulta ng halalan dahil batay sa mga reports ng mga election volunteer groups, walang dayaang nangyari dahil tugma naman aniya ang resulta ng halalan sa mga election returns.