Aklan News
SAINT GABRIEL MEDICAL CENTER SA AKLAN NAGPAHAYAG NG HINDI PAGKALAS SA PHILHEALTH NGUNIT HINDI NA TATANGGAP NG PROMISSORY SA KANILANG MGA PASYENTE
Magpapatuloy pa rin ang St. Gabriel Medical Center sa kanilang akreditasyon sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) sa kabila ng isyu ng mga hindi nabayarang reimbursement claims.
Sa panayam ng Radyo Todo Aklan, sinabi ni General Manager Mr. Jun Legaspi na magpapatuloy pa rin ang kanilang akreditasyon sa Philhealth ngunit hindi aniya malayo na mangyari na kakalas din sila sa huli.
Sa ngayon ayon kay Legaspi ay hindi na sila tumatanggap ng mga promissory notes mula sa kanilang mga pasyente.
Pahayag nito na aabot din sila sa puntong mawawalan ng pondo ang kanilang ospital at hindi na nila makakayanang ma-sustain pa ang gastusin at pangangailangan ng ospital.
Aminado rin si Legaspi na malaking problema para sa kanilang ang isyu ng Philhealth dahil sa hanggang ngayon ay hindi pa sila nababayaran ng nasabing korporasyon ng gobyerno.
Sa kabilang banda, ang Panay Health Care MPC Hospital sa lalawigan ng Aklan ang tanging kakalas sa kanilang akreditasyon mula sa PhilHealth simula Enero 1, 2022, dahil sa isyu na hindi pagsunod ng PhilHealth sa Republic Act 7875 o sa National Health Insurance Act.
Samantala, ipinasiguro naman ng mga ospital na patuloy pa rin silang magbibigay-serbisyo sa mga myembro ng PhilHealth ngunit hindi na sila ang magpo-proseso ng kanilang mga claims.
Dahil dito, ang mga miyembro na mismo ang magsusumite ng kanilang mga aplikasyon para sa reimbursement direkta sa Philhealth.