Aklan News
SAN MIGUEL, MAGPAPATAYO NG P26.3 BILYONG HYDROPOWER PLANT SA AKLAN
Magtatayo ng isang 300-megawatt (MW) pumped-storage hydropower facility sa Malay ang Strategic Power Development Corp. (SPDC), isang sangay ng SMC Global Power Holdings Corp.
Nagkakahalaga ng P26.3 bilyon ang proyektong ito na layon umanong punan ang ilan sa mga renewable energy requirement ng Visayas grid lalo na sa mga oras na sabay-sabay ang pagkonsumo ng kuyente.
Makatutulong din umano ang hydro power project na ito upang maging mas stabilized ang grid sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga support services at peaking power.
“Currently, hydroelectric power facilities account for the largest portion of renewable power source in the country. In this juncture, the development of this project will provide Renewable Energy to the Visayas grid, particularly the Province of Aklan in Panay Island, during peak hours for the current and future peak load demand,” pahayag ng SPDC sa kanilang aplikasyon sa Environmental Management Bureau of the Department of Environment and Natural Resources.
Aabutin ng apat na taon at limang buwan ang pagtatayo ng pumped-storage plant na magsisimula sa unang bahagi ng 2022. Kabilang sa mga itatayo ay ang main access tunnel, underground powerhouse, at ang mga pumping/generation equipment. Sinasabing aabot sa 122.7 hektarya ang kakailanganin upang mapagtayuan ng mga malalaking istruktura.
Inaasahan namang magiging operational ang hydro-plant sa kalagitnaan ng taong 2026.
Pagtitiyak ng SPDC, sisimulan lamang nila ang pagtatayo ng mga istruktura kapag nakapag-secure na sila ng mga mahahaglagang permit kabilang na ang the environmental compliance certificate.
Sinabi naman ng SPDC na makikinabang sa nasabing proyekto ang mga barangay sa Malay, pati na rin ang munisipalidad dahil sa maibibigay nitong mga financial resources. Halimbawa niyan ay ang mga local taxes na makukuha ng munisipalidad ng Malay kapag nasa operational phase na ang proyekto. Dagdag pa rito, makakatanggap rin umano ang Malay ng P0.01/kilowatt na share mula sa electricity sales.
Isa ang hydropower facility na ito sa mga inisyatibo ng SMC Global Power na gumamit ng malinis na enerhiya upang mabawasan ang kanilang carbon footprint. Layon din umano nilang makahanap ng solusyon sa pangangailang ng bansa sa mas maaasahan at murang kuryente.
“It’s a company direction that is in line with all the major sustainability initiatives we have undertaken these past couple of years,” ika ng presidente ng SMC na si Ramon S. Ang.