Aklan News
Sangguniang Bayan Ibajay, tutol sa pagpapatupad ng 10% surcharge sa AKELCO bill
Hindi sang-ayon ang Sangguniang bayan ng Ibajay sa balak ng Aklan Electric Cooperative (AKELCO) na ibalik ang pagpapatupad ng 10% surcharge sa mga di agad makabayad ng kuryente.
Idinaan ng SB ibajay ang pagtutol sa pagpasa ng Resolution No.013 Series of 2022 o “Resolution Earnestly and Exhorting the Aklan Electric Cooperative (AKELCO) Inc. to Suspend the Imposition of the Ten Percent (10%) Surcharge on Overdue Electric Bills of Member/Consumers”.
Nakasaad dito na magiging dagdag pasanin sa mga tao ang pagpataw ng 10% surcharge sa AKELCO bill.
Malaki ang naging epekto ng pandemya lalo na sa mga mahihirap kaya dapat na bigyan muna ang mga ito ng oras para makabangon batay pa sa resolusyon.
Unanimously approved ang nasabing resolusyon na inihain ni SB Lowell Fernandez.
Kaugnay nito, kaninang umaga nagsagawa ng legislative inquiry ang Sangguniang Panlalawigan para imbestigahan ang balak ng AKELCO na re-imposition ng 10% surcharge. RT/MAS